Saints, Skippers ikakasa ang semis

MANILA, Philippines — Kapwa bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage, isang panalo lang ang kailangan ng No. 3 Adalem Cons­truction-St. Clare at No. 4 Marinerong Pilipino para umusad sa best-of-three semifinals series.

Lalabanan ng Saints ang No. 6 Builders Warehouse-UST Tigers nga-yong alas-11 ng tanghali at sasagupain ng Skippers ang No. 5 Centro Escolar University Scorpions sa alas-9 ng umaga sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Sina NAASCU MVP Johnsherick Estrada at Joshua Fontanilla ang babandera para sa Adalem-St. Clare katapat sina Sherwin Concepcion, Nic Cabanero at Kean Baclaan ng Builders Warehouse-UST.

“The way UST is pla­ying right now, they’re on a roll,” wika ni Saints’ coach Jinino Manansala sa Tigers ni interim coach Albert Alocillo nasa nasa four-game winning streak matapos ang 0-3 panimula.

Tinalo na ng Adalem-St. Clare ang Builders Warehouse-UST, 87-86, noong Hulyo 21.

Ang semis spot din ang hangad ng Marinero laban sa CEU na bumigo sa kanila, 77-84, noong Lunes.

“Hindi man namin nakuha iyong top two, ang mahalaga may advantage pa rin kami at hindi namin puwedeng sayangin iyon,” ani Skippers’ coach Yong Garcia sa pagsagupa sa Scorpions.

Show comments