Tatum itinabla ang Celtics sa 2-2

Dinakdakan ni Celtics star Jayson Tatum sina Bam Adebayo at Kylie Lowry ng Heat sa Game 4.
STAR/File

BOSTON — Naimintis ng Miami Heat ang 15 sa una nilang 16 tira na sinamantala ng Celtics para tangayin ang 102-82 panalo sa Game Four at itabla sa 2-2 ang kanilang Eastern Conference finals.

Kumolekta si Jayson Tatum ng 31 points, 8 rebounds at 5 assists para pamunuan ang pagbangon ng Boston mula sa naunang kabiguan sa Miami sa Game Three.

Nag-ambag si Payton Pritchard ng 14 points at may 13 at tig-12 markers sina Derrick White, Jalen Brown at Robert Williams, ayon sa pagkakasunod.

“This is a three-game series now. Can’t always just flip the mindset when we come off a loss and get a little desperate,” sabi ni Celtics’ coach Ime Udoka sa kanilang serye ng Heat.

Dadayong muli ang Boston team sa Miami para sa krusyal na Game Five bukas.

Kaagad kinuha ng Celtics ang 26-4 kalamangan na kanilang pinalaki sa 27 points sa second period at 32 points sa third quarter.

Advertising
Scroll to continue

Hindi na ito naputol ng Heat na naiwanan sa halftime, 33-57.

Umiskor si Victor Oladipo ng 23 points para banderahan ang Miami habang nalimitahan sina Bam Adebayo at All-Star Jimmy Butler sa 9 at 6 points, ayon sa pagkakasunod.

“We’re not making any excuses. They outplayed us tonight for sure. We never could get any kind of grip on the game,” sabi ni Fil-Am head coach Erik Spoelstra ng Heat.

Hindi naglaro si Tyler Herro na nagkaroon ng groin injury sa Game Three.

Show comments