MANILA, Philippines — Ipaparada ng Chery Tiggo si Clarence Esteban bilang bagong head coach ng tropa sa oras na sumabak ito sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Hulyo 2-Agosto 7.
Nagpasya ang pamunuan ng Crossovers na palitan si dating mentor Aaron Velez matapos mabigong depensahan ng kanilang koponan ang Open Conference crown.
Si Esteban ang head coach ng University of Santo Tomas boys’ volleyball team at ng Mapua University women’s volleyball team.
Excited na si Esteban na hawakan ang Crossovers na binubuo ng mga talentadong players kagaya nina middle blocker Jaja Santiago, outside hitter Dindin Santiago-Manabat at opposite spiker Mylene Paat.
“Being the new head coach of Chery Tiggo is very challenging. Laking pasasalamat po namin sa management sa ibinigay na trust sa amin mga coaches to lead and guide this team,” ani Esteban.
Makakasama ni Esteban sa coaching staff sina Yani Fernandez, Brian Esquibel, Robert Boto at Kevin Sto. Tomas.
“Excited kaming mga coaches to handle a champion team. Expect n’yo na we will give our very best na ma-rebuild and organize ng maayos ang team para makuha natin ang goal natin for next tournament,” ani Esteban.
Nais ni Esteban na hubugin pa nang husto ang skills ng bawat players para mas maging solido ang galaw ng mga ito.