Ginebra swak sa finals; Magnolia humirit ng game 5

Lumipad si import Justin Brownlee para sa kanyang dunk sa pagpasok ng Ginebra sa PBA Governors’ Cup Finals.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Kapag kumamada si im­port Justin Brownlee ay tiyak na ang panalo ng mga Gin Kings.

Naghulog si Brownlee ng 47 points para akayin ang nagdedepensang Ba­rangay Ginebra sa 112-93 pagsibak sa NLEX sa Game Four papasok sa PBA Governors’ Cup Finals kahapon sa Smart Ara­­neta Coliseum.

Isinara ng Gin Kings ang kanilang best-of-five se­­mis duel ng Road Warriors sa 3-1 para umusad sa best-of-seven cham­pionship series.

Sa ikalawang laro, pi­nu­­­­wersa ng Magnolia ang Me­ralco sa deciding Game Five matapos angkinin ang mahalagang 94-73 panalo sa Game Four.

Nagtala si import Mike Harris ng 34 points at 18 re­bounds para itabla ang Hotshots sa 2-2 sa ka­ni­lang semis showdown ng Bolts.

Nakatakda ang Game Five bukas sa Big Dome.

Ito naman ang ikaapat na Finals appearance ng Gi­­nebra sa hu­ling limang PBA Go­vernors’ Cup.

“What a phenomenal, phenomenal performance that was by Justin. I’m ama­zed by it,” pagpuri ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa ka­ni­lang resident import.

Umiskor ang 33-anyos na si Brownlee ng 18 points sa second quarter at 11 mar­kers sa third period pa­ra ibigay sa Ginebra ang 13-point lead, 84-71.

Mula dito ay hindi na nakapaghamon ang NL­EX.

Nagdagdag si veteran Jeff Chan ng 20 markers para sa Gin Kings at may 14, 12 at 10 markers sina LA Tenorio, Nards Pinto at Christian Standhardinger, ayon sa pagkakasunod.

Binanderahan ni import Cameron Clark ang Road Warriors sa kanyang 34 points at 12 rebounds.

Show comments