Gilas Women pa-Jordan na

MANILA, Philippines — Tumulak na patungong Amman, Jordan ang Gilas Women para sumabak sa FIBA Women’s Asia Cup na idaraos sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 3 sa Prince Hamza Arena sa Amman, Jordan.

Agad na sasailalim sa swab test ang buong de­legasyon sa oras na dumating ito sa Amman.

Maliban sa swab test, daraan din ang tropa sa tatlong araw na quaratine period bago tuluyang makalabas at makapagsimula sa ensayo.

Palaban ang bataan ni Gilas Women head coach Pat Aquino sa kabila ng matinding pagsubok na nakaabang sa kanila sa group stage pa lamang.

Nasa Group B ang Pilipinas kasama ang powerhouse teams na China, Australia at Chinese-Taipei.

Unang makakasagupa ng Pinay squad ang China sa Setyembre 27 kasunod ang Australia sa Setyembre 28 at ang Chinese-Taipei sa Setyembre 29.

Babanderahan ang tropa nina Afril Bernardino, Clare Castro, Ella Fajardo, Ria Nabalan at Janine Pontejos kasama sina France Mae Cabinbin, Ana Castillo, Kristine Cayabyab, Camille Clarin, Karl Ann Pingol, Nathalia Prado at Marizze Tongco.

Nais ng Gilas Women na malampasan ang ikapitong puwestong pagtatapos nito noong 2019 edisyon ng torneo.

Show comments