Gilas may patutunayan!

Umangat si Kai Sotto ng Gilas Pilipinas laban sa Indonesian player.
FIBA basketball

Sa muling pakikipaglaban sa Korea

MANILA, Philippines — Patutunayan ng Gilas Pilipinas na hindi tsamba ang kanilang panalo noong Miyerkules habang pilit namang reresbak ang South Korea.

Magsasagupa ang Nationals at mga K­oreans ngayong alas-3 ng hapon sa pagtatapos ng third at final window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa A­ngeles University Foundation Gym sa Clark, Pampanga.

Isinalpak ni guard SJ Belangel ang isang buzzer-beating three-point shots para sa 81-78 pag-eskapo ng Gilas Pilipinas sa South Korea at opisyal na umabante sa FIBA Asia Cup Championships sa Agosto 16-28 sa Jakarta, Indonesia.

Itinuring ni Korean coach Cho Sang Hyun na isang ‘lucky shot’ ang nasabing triple ni Belangel.

Pinalagan naman ito ni Gilas mentor Tab Baldwin

“Frankly, I think that’s pretty rich of any coach to walk off a game in which you lose and to claim that it was good luck on the part of your opponent,” banat ni Baldwin sa nasabing pahayag ni Cho.

Tiniyak ni Baldwin na mas magiging pisikal ang rematch ng Nationals at mga Koreans.

“We would make sure that that is highlighted and I’m sure that will give our players a little bit of an extra incentive,” ani Baldwin. “I don’t expect that we will be going out there to make friends on Sunday.”

Makakasama ng Pilipinas (5-0) at Korea (4-1) sa FIBA Asia Cup Championships ang Indonesia (1-4) bilang host country sa Group A at ang Lebanon at Bahrain (Group D), Iran at Syria (Group E) at Jordan at Kazakhstan (Group F).

Nanggaling ang Na­tionals sa 76-51 pagdurog sa mga Indonesians habang nagmula ang mga Koreans sa 104-81 pagmasaker sa parehong koponan sa huli nilang mga laban.

Makaraan ang FIBA Asia Cup Qualifiers ay lalahok naman ang Gilas sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na nakatakda sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.

Show comments