Obiena pagkatapos ng Olympics magpapabakuna

MANILA, Philippines — Habang atat ang mga atletang maturukan ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine ay nagdadalawang-isip naman ang kampo ni Olympic Games-bound pole vaulter Ernest John Obiena.

Sinabi ng tatay ni O­biena na si Emerson na may masamang epekto sa atleta ang COVID-19 vaccine base sa kanilang pagtatanong.

“Base sa mga pagtatanong nila sa ibang atleta na nakapagpa-vaccine na, may mga reactions doon sa vaccines na minsan umaabot ng 10 days na hindi maganda iyong pakiramdam ng atleta,” ani Emerson kahapon sa PSA Forum online edition.

Plano rin ni Olympic-bound gymnast Carlos Edriel Yulo na magpabakuna matapos ang 2021 Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.

“Sa ngayon hindi pa sila makapag-confirm kung magpapa-vaccine o hindi kasi iyong 10 days na hindi ka makapag-training malaki ang effect noon sa preparation for the Olympics,” ani Emerson.

Nagbalik na sina O­biena at legendary mentor Vitaly Petrov sa kanilang training camp sa Formia, Italy matapos sumabak sa Gemany, Sweden, Netherlands at Poland.

Show comments