Davis binuhay ang tsansa ng Lakers sa playoffs

Nauna sa pagkuha ng rebound si Lakers forward Anthony Davis laban kay Suns guard Chris Paul.

LOS ANGELES — Hangga’t may magagawa ay pipilitin ng nagdedepensang Lakers na makaiwas maglaro sa play-in tournament.

Humakot si star forward Anthony Davis ng 42 points at 12 rebounds para igiya Lakers sa 123-110 pagpapalamig sa Phoenix Suns at pagandahin ang kanilang record sa 38-30.

Nag-ambag sina Kentavious Caldwell-Pope at Alex Caruso ng tig-17 markers para sa ikatlong panalo ng Lakers, nakapuwesto sa No. 7 sa Western Confe­rence, sa huli nilang 11 laro.

Binanderahan ni Ca­meron Payne ang Suns (48-20) sa kanyang 24 points at may 21 at 15 markers sina Devin Booker at Mikal Bridges, ayon sa pagkakasunod.

Sa Boston, pinalakas ng Miami Heat (37-31) ang paghawak sa sixth place sa East matapos angkinin ang 130-124 paggupo sa Celtics (35-33).

Sa Los Angeles, umiskor si Derrick Rose ng 25 points sa 106-100 paggiba ng New York Knicks (38-30) sa Clippers (45-23) at lumapit sa pagsikwat sa playoff ticket sa Eastern Conference.

Sa Cleveland, itinuloy ng Dallas Mavericks (40-28) ang pagkapit sa fifth place sa Western Confe­rence matapos kunin ang 124-97 panalo sa Cavaliers (21-47).

Sa Charlotte, sumilip ng tsansa ang New Orleans Pelicans (31-37) sa play-in tournament sa East matapos itakbo ang 112-110 panalo sa Hornets (33-35).

Sa Detroit, nagtala si Nikola Vucevic ng 29 points at 16 rebounds sa 108-94 pagsuwag ng Chicago Bulls (29-39) sa Pistons (20-49) sa tsansa para sa play-in tournament.

Show comments