3 golds itinumba ng Pinoy karatekas

MANILA, Philippines — Tatlong gintong me­dalya na naman ang nasikwat ng Pinoy karatekas sa 2021 Kamikaze Karate E-Tournament kahapon.

Muling nagpasiklab ang bagitong karateka na si Fatima Hamsain na kumana ng dalawang gintong medalya sa kanyang dibisyon.

Nasungkit ni Hamsain ang ginto sa female Under-16 kata event nang pataubin nito sa finals si Elisa Dominijanni ng Italy sa bisa ng 24.8-23.6 iskor.

Umariba pa si Hamsain makaraang muli itong manaig kay Dominijanni sa finals (24.7-23.8) para ang­kinin ang ikalawang ginto buhat sa female Under-16 kata category.

Hindi naman maawat sa pag-arangkada si World No. 1 Orencio James De Los Santos nang pagha­rian nito ang men’s individual kata.

Pinataob ni De Los Santos si Domont Matias Moreno ng Switzerland matapos itala ng Pinoy champion ang 25.0-24.5 panalo sa gold-medal match.

Sa kasalukuyan, may 12 gintong medalya na si De Los Santos sa taong ito — at 48 kabuuan sapul nang sumabak ito sa online karate tournaments na lalo pang nagpapatatag sa kanyang kapit sa No. 1 spot sa world rankings tangan ang 23,360 puntos.

Show comments