6 PVL teams makakapag-ensayo na!

MANILA, Philippines — Bakbakan na sa ensayo ang mga koponan sa Premier Volleyball League (PVL) upang paghandaan ang pagbubukas ng Open Conference sa Mayo 8.

Ito ay matapos makakuha ng approval mula sa local government unit na nakasasakop sa kanilang gagamiting training venues.

Una nang naglabas ng clearance ang Games and Amusements Board (GAB) matapos ang ocular inspection sa mga training facilities noong nakaraang buwan.

Kabilang sa mga nagbigay ng go signal ang San Juan City at Mandaluyong City.

Nasa San Juan City ang The Arena at Greenhills West habang sa Mandaluyong City naman ang Ronac Gym sa Shaw Boulevard.

Ang The Arena ang gagamitin ng PetroGazz Angels samantalang sa Greenhills West naman idaraos ang training ng Peak Form at BaliPure.

Sasalang sa ensayo ang reigning Open Confe­rence champions Creamline Cool Smashers, Choco Mucho at Perlas Spikers sa Ronac Gym.

Dalawa pang koponan ang naghihintay sa go signal ng LGU.

Ang Cignal HD Spikers at PLDT Home Fibr na parehong nasa ilalim ng Manila City Hall.

Nais ng PLDT na magsanay sa San Sebastian College-Recoletos sa Recto habang sa Paco Arena naman ang venue ng Cignal.

Show comments