Sotto sa FIBA Olympic Qualifying Tournament?

Kai Sotto
STAR/File

MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na makasama si Kai Sotto sa Gilas Pilipinas squad na sasabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.

Bukas na bukas ang pintuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa 7-foot-3 Pinoy cager lalo pa’t hindi na ito natuloy sa Ignite sa NBA G League.

Nauna nang inihayag ng SBP na handa itong suportahan ang anumang susunod na hakbang ni Sotto sa kanyang basketball career.

Matatandaang nagsakripisyo si Sotto na lisanin ang training camp ng Ignite para makasama ang Gilas Pilipinas sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sana sa Doha, Qatar.

Subalit naudlot ito matapos kanselahin ang hos­ting ng Qatar makaraang tumaas ang bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) doon.

Agad na bumalik sa Amerika si Sotto para sana makasama ang Ignite sa NBA G League campaign nito.

Subalit naglabas ng statement ang liga noong nakaraang linggo na hindi na makakapasok pa si Sotto sa G League bubble at tuluyan na ring nagtapos ang pakikipag-ugnayan nito sa Ignite.

Kaya naman usap-usapan na ang posibleng pagbabalik ni Sotto sa Pilipinas para makasama ang Gilas Pilipinas sa training camp para sa FIBA Asia Cup Qualifiers at FIBA Olympic Qualifying Tournament.

Ngunit wala pang pormal na anunsiyo ang kampo ni Sotto.

Show comments