Bubble training ng national athletes pwede na—IATF

MANILA, Philippines — Dininig na ang panala­ngin ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine Sports Commission (PSC).

Matapos ang ilang buwan na paghihintay ng POC at PSC ay inaprubahan kahapon ng Inter-Agency Task Force (IATF) Technical Working Group ang pagbabalik-ensayo ng mga national athletes sa isang bubble set-up.

“Ang pag-conduct ng bubble-type setting ay gagawin sa pakikipag-ugnayan sa regional task force kung saan gagawin ang training at lokal na pamahalaan kung saan nandoon ang proposed venue,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing.

Balak ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na ipasok ang mga Olympic Games qualifiers at aspirants na kasaluku­yang nasa bansa sa isang bubble training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Sina pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno pa lamang ang nakasikwat ng Olympic berth habang 82 pa ang naghahangad na makapaglaro sa quadrennial event na idaraos sa Hulyo ng 2021 sa Tokyo, Japan.

Nagsasanay si Obiena, sa Italy, nasa Japan si Yulo at nag-eensayo si Marcial sa Amerika habang nasa kanyang probinsya naman si Magno sa Iloilo City.

Kabilang sa mga tumatarget ng Olympic slot ay sina 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz (weightlifting), 2018 Asian Games gold medal winner Margielyn Didal (skateboarding), 2019 World Champion Nesthy Petecio (boxing) at four-time Southeast Asian Games queen Kiyomi Watanabe (judo).

Nauna nang puma­yag ang mga National Sports Associations (NSAs) ng boxing, taek­wondo at karatedo na ipasok ang kanilang mga atleta sa bubble sa Inspire Sports Academy.

Show comments