Bagitong Gilas Pilipinas nakapasa sa ‘test’

MANILA, Philippines — Two thumbs up ang nakuhang marka ng Gilas Pilipinas matapos ang maningning na ratsada nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers na pormal nang nagtapos kahapon sa Manama, Bahrain.

Hindi inaasahan ng coaching staff na magiging mabagsik ang Gilas Pilipinas na binubuo ng mga batang collegiate players.

Kaya naman humanga ang buong coaching staff kabilang na si Gilas Pilipinas head coach Jong Uichico sa naging performance ng kanyang bataan.

“I was pleasantly surprised with their performance,” ani Uichico.

Sa katunayan, ilang linggo pa lang magkakasama ang koponan.

Nabuo ito noon lamang Nobyembre 13.

Naging dagdag pasakit pa ang ilang buwang pagkakatengga ng mga players dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Subalit hindi nakitaan ng pangangalawang ang Gilas Pilipinas.

Lutang na lutang din ang chemistry ng tropa na nagresulta sa magandang laro nito kontra Thailand.

Naging armas pa ng Gilas Pilipinas ang pagiging “young team” nito dahil mas naging mabilis ang kilos ng lahat sa loob ng court laban sa Thailand na binubuo ng mga professional players.

Tunay na nagpasiklab sa second window si Dwight Ramos na umiskor ng 20 puntos sa 93-61 panalo ng Gilas Pilipinas kontra Thailand noong Biyernes.

Malaki ang potensiyal ni Ramos na inaasahan ni Uichico na magtutuluy-tuloy sa mga susunod na labang haharapin ng Gilas Pilipinas kasama ito.

Hangad ni Uichico na magtuluy-tuloy ang programa para sa mga batang miyembro ng Gilas Pilipinas para sa mga susunod na international tournaments na lalahukan ng bansa.

Kabilang na rito ang inaabangang hosting ng Pilipinas ng prestihiyosong FIBA World Cup sa 2023.

Show comments