GAB Sports Summit sa Disyembre 5

MANILA, Philippines — Nakatakda ang Games and Amusements Board (GAB) Pro Sports Summit para sa mga professional athletes, sports leaders at sports groups na gaganapin sa Disyembre 5

Idaraos ito via Zoom teleconferencing simula alas-9 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Pag-uusapan ang mga plano ng GAB para sa mga professional sports na nag­lalayong makabalik na sa aksyon partikular na ang mga liga at sporting events.

Maraming malalaking events ang nakansela dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Kaya naman handa ang GAB na magbigay ng payo at solusyon upang makabalik ang mga professional leagues at events.

“Ito po ang ikalawang Sports Summit ng GAB, medyo kakaiba lang sa nakalipas na taon dahil sa ipinapatupad na ‘safety and health’ protocol. Pero kahit sa online lang po tayo,” ani GAB chairman Baham Mitra.

Masaya si Mitra dahil nakapagsimula na ang ilang sporting events sa bansa kabilang na ang Philippine Basketball Association at Philippines Football League.

May ilang sporting events na rin ang nakapagsimula upang maipagpatuloy ang sports development kasama ang GAB.

Ilan din sa mga liga ang nagsumite ng aplikasyon para maging ganap na professional leagues gaya ng NBL, WNBL Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) at ang PVL.

Show comments