McGregor naghahanda na para kay Pacquiao

Nag-post din sa kanyang social media si MMA champion Conor McGregor ng kanyang training
STAR/ File

MANILA, Philippines — Ngayon pa lang, naghahanda na si Mixed Martial Arts superstar Conor McGregor para sa inaaba­ngang mega fight kontra kay eight-division world champion Manny Pacquiao sa susunod na taon.

Balik sa ibabaw ng ring si McGregor ilang araw matapos isiwalat na tuloy ang pakikipagtuos nito sa Pinoy champion sa 2021 sa Middle East.

Inaabangan ni McGre­gor ang mga patutsada ni American trainer Freddie Roach na itinuturing nitong magsisilbing magandang motibasyon sa kanyang training

“Manny not so much tho I don’t think, but I will see how the build up goes and wait to hear what bitter old Freddie Roach has to say and then make a decision,” ani McGregor.

Nauna nang inihayag ni Roach na hindi tatagal si McGregor sa tikas ng kamao ni Pacquiao lalo pa’t  nagbalik na ang bagsik sa bawat suntok ng Pinoy champion.

Nagbigay pa ng prediksiyon si Roach na posibleng hindi umabot ng three rounds ang laban dahil inaasahang mabilis na mapapabagsak ni Pacquiao si McGregor.

Subalit hindi nasisindak si McGregor. Ipinagmalaki nito na ma­lalim ang kanyang karanasan sa Mixed Martial Arts na gagamitin nito sa kanyang laban kontra kay Pacquiao.

Ayaw na nitong maulit ang nangyari nang harapin nito si American undefeated fighter Floyd Mayweather Jr. noong 2017 kung saan lumasap ito ng 10th-round knockout loss.

Kaya naman nais ni McGregor na simulan ng maaga ang ensayo nito para masiguro na nasa 100 porsiyentong handa ang kanyang sarili bago sagupain ang isa na namang legendary boxer sa ngalan ni Pacquiao.

Sa post ni McGregor, nasilayan itong nagpu-push up sa isang gym habang sumalang din ito sa shadow boxing sa ibabaw ng ring.

Show comments