PBA suportado ang Gilas Pilipinas

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Philippine Basketball Association (PBA) na nananatili ang suporta nito sa Gilas Pilipinas na sasabak sa mga international tournaments.

Problemado si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) program director Tab Baldwin sa pagbuo ng malakas na koponan para sa FIBA  Asia Cup Qualifiers.

Biglaan ang anunsiyo ng FIBA na itutuloy na sa Nobyembre ang qualifiers.

Kaya naman aligaga si Baldwin kung paano makakakuha ng players para sa FIBA  Asia Cup Qualifiers.

Malaking pasakit pa para kay Baldwin ang avai­lability ng mga PBA players.

Papasok sa bubble ang mga PBA players para sa pagbabalik-aksyon ng PBA Season 45 Philippine Cup sa Clark, Pampanga.

Aabot ng dalawang buwan o mahigit pa para matapos ang Philippine Cup at hindi maaaring lumabas ang mga players habang nasa bubble.

Kaya naman walang magawa si Baldwin kundi ang umisip ng ibang paraan.

“Ang PBA team owners at ang PBA ay nanatiling committed na suportahan ang Gilas,” ani PBA commissioner Willie Marcial.

Gayunpaman, wala pang napag-uusapan ang PBA at SBP sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Nob­yembre.

Tanging ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero pa lamang ang natatalakay, ayon kay Marcial.

Show comments