Simpleng UAAP closing rites inihahanda na

MANILA, Philippines — Kung magarbo ang pagbubukas ng UAAP Season 82 noong nakaraang taon, isang simpleng closing ceremony lamang ang isasagawa sa pagkakataong ito.

Nakatakda ang pormal na pagsasara ng season sa Hulyo 25 na magiging virtual closing ceremony lamang.

Ayon kay UAAP Season 82 president Em­ma­nuel Fernandez ng Ateneo, ipapalabas ang seremonya sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN na katuwang ng liga sa pagsasahimpapawid ng nakalipas na season.

Ito ay matapos ma­bi­­gong makakuha ng franchise renewal ang ABS-CBN kaya’t hindi ito maaaring magpalabas ng anumang programa sa Sports+Action Channel 23.

Lahat ng mga gagawin sa closing ceremony ay recorded lamang na binuo ng UAAP Season 82 organi­zers sa pakikipagtulungan sa giant network.

Kabilang dito ang paggawad sa University of Santo Tomas ng general championship trophy sa seniors at juniors divisions.

Pormal na ring ipapasa ng Ateneo ang hosting rights ng Season 83 sa De La Salle University.

Nais ng Ateneo community na bigyan ng mainit na pagtatapos ang Season 82 bagama’t hindi natapos ang ilang events gaya ng volleyball dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Show comments