Ancajas-Franco unification bout niluluto na
MANILA, Philippines — Niluluto ng Top Rank Promotions ang isang malaking laban para kay reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas na posibleng maganap sa Setyembre o Oktubre ngayong taon.
Puntirya ni Top Rank Promotions chief Bob Arum na sumalang sa isang unification bout si Ancajas laban kay World Boxing Association (WBA) super flyweight champion Joshua Franco.
Nakikipag-usap na ang Top Rank sa Golden Boy Promotions na siyang humahawak kay Franco.
Ayon kay Arum, matagal na itong plano ng Top Rank at Golden Boy subalit naudlot lamang ang usapan matapos pumutok ang coronavirus disease (COVID-19).
Galing si Franco sa unanimous decision win kay Australian Andrew Moloney noong Hunyo 23 sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada para matamis na maagaw ang WBA belt.
Dahil sa panalo, umangat ang rekord ni Franco sa 17-1-2 tampok ang walong knockouts. Kasalukuyan itong No. 8 sa super flyweight division sa world ranking ng BoxRec.
Handa naman si Ancajas na sagupain si Franco anumang araw at oras.
Ngunit bago ang unification fight, kailangan munang depensahan ni Ancajas ang titulo nito kontra kay Mexican Jonathan Javier Rodriguez.
- Latest