Sotto itinuturing na GOAT si LeBron

MANILA, Philippines  — Itinuturing ni Kai Sotto si LeBron James ng Los A­ngeles Lakers bilang Greatest Of All Time (GOAT) sa mundo ng basketball.

Nagpasimula ng question and answer si Sotto sa kanyang Instagram account kung saan binigyan nito ang lahat ng kanyang followers ng pagkakataon na makapagtanong sa kanya.

Nang tanungin kung sino ang Greatest Of All Time, isang larawan ni Le­Bron kasama si Sotto ang naging tugon ng dating UAAP Juniors MVP.

Kuha ito noong bumisita sa Pilipinas si LeBron para sa isang promotional tour.

Isa pang follower ang nagtanong kung sino ang all-time NBA starting five ni Sotto.

Pinangalanan ng 7-foot-2 Pinoy cager si Magic Johnson sa point guard position habang shooting guard naman si Michael Jordan.

Inilagay ni Sotto sa small forward position si LeBron habang power forward naman si 2020 Hall of Fame inductee Tim Duncan ng San Antonio Spurs.

Si Shaquille O’Neal ang nasa center position.

Nagsasagawa ng Q and A si Sotto sa kanyang social media account upang bigyan ng pagkakataon ang kanyang mga fans na maka-connect sa kanya.

Sasalang si Sotto sa NBA G League kasama si Filipino-American Jalen Green.

Show comments