Rookie Draft hinihiling ng mga NBA teams na ilipat sa August 1

Remy Martin
Christian Petersen/Getty Images/AFP

MANILA, Philippines — Posible pang maghintay sina Fil-Ams guard Remy Martin at forward Romello White para sa kanilang pangarap na makapaglaro sa National Basketball Association.

Maraming NBA teams ang nagkakaisa na ililipat ni Commissioner Adam Silver ang itinakdang 2020 NBA Rookie Draft sa Agosto 1 mula sa orihinal na petsang Hunyo 25.

Dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay naging limitado ang pagkuha ng impormas­yon sa mga draft-eligible prospects.

Dalawa lamang sina Martin at White, magkakampi sa Arizona State University Sun Devils sa US NCAA, sa mga nagdeklara ng kanilang paglahok sa 2020 NBA Draft.

Karaniwang sumasai-lalim ang mga aspirante sa in-person workouts, interviews at medical evaluations na taliwas sa pinapairal ngayong social distancing at shelter-in-place guidelines bunga ng COVID-19.

Inaasahang maghahayag ng kanyang desis­yon si Silver sa Mayo 1.

Sa isang memo ay ipinagbigay alam ng NBA sa mga koponan na bawal silang magsagawa ng in-person workouts o interviews sa mga draft-eligible players. Papayagan naman ang mga NBA teams na magdaos ng virtual interviews sa kanilang mga draft prospects na limitado sa apat na oras bawat player.

Show comments