Yulo pumitas ng ginto sa All-Japan Championships

MANILA, Philippines — Isa na namang karangalan ang ibinigay ni dating Palarong Pambansa multi-gold medalist Carlos Edriel Yulo matapos magbulsa ng gintong medalya sa 2019 All-Japan Senior Gymnastics Championships na ginanap sa Tokyo, Japan.

Inilatag ni Yulo ang kanyang mahusay na performance para makalikom ng 14.800 points sapat upang makuha ang unang puwesto sa floor exercise ng torneong nilahukan ng matitikas na gymnasts sa rehiyon.

Kasalo ng 19-anyos na si Yulo sa unang puwesto si three-time Olympic champion at 10-time world champion Kohei Uchimura ng Japan na nagtala rin ng parehong 14.800 points.

Naghahanda si Yulo para sa pagsabak sa darating na 2019 Southeast Asian Games sa kauna-unahang pagkakataon kung saan inaasahang mawawalis nito ang lahat ng kanyang events na lalahukan.

Dahil sa kanyang impresibong ipinapamalas sa mga international competitions ay malakas din ang tsansa ni Yulo na magkuwalipika at manalo ng medalya sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan.

Noong nakaraang taon ay gumawa ng kasaysayan si Yulo nang magwagi ng tansong medalya sa floor exercise sa prestihiyosong 48th Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Aspire Academy Dome sa Doha, Qatar.

Ito ang unang pagkakataon na nagwagi ang isang Pinoy bet sa world meet ng gymnastics.

Show comments