Gilas-36ers tune-up games sarado sa publiko
MANILA, Philippines — Taliwas sa inaasahan ng mga basketball fans, isasarado sa publiko ang dalawang exhibition games ng Gilas Pilipinas laban sa bisitang Adelaide 36ers ng Australia.
Ito ay para hindi na maulit ang rambulang nangyari sa pagitan ng Gilas squad, iginiya ni coach Chot Reyes, at ng Australian national team sa FIBA Asia Qualifiers noong Hulyo ng 2018 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Lalabanan ng Nationals ni mentor Yeng Guiao ang Adelaide 36ers ng National Basketball League ng Australia bukas at sa Linggo sa Meralco Gym sa Pasig City.
Tanging mga piling media at VIP guests lamang ang makakapanood ng nasabing dalawang Goodwill Games.
“We anticipate good games against the Adelaide 36ers,” sabi ni Guiao kahapon. “They play high quality basketball, world class basketball. We understand that this will be a big help to our preparations.”
Ang exhibition games ay bahagi ng paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa 2019 FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15 sa China.
Kasama ng Nationals sa Group D ng FIBA World Cup ang Serbia, Italy at Angola.
“We look forward to helping you guys prepare. That’s what we’re here for,” sabi naman sa Gilas ni Adelaide 36ers coach Joey Wright, naglaro sa PBA bilang import ng Presto Ice Cream noong 1992 Third Conference.
- Latest