3 nakapila kay Pacquiao

Tinukoy ni MP Promotions chief Sean Gibbons sina Danny Garcia, Mikey Garcia at Shawn Porter sa mga nangungunang kandidato para sa susunod na pagtungtong ng Pinoy champion sa ibabaw ng ring.
MP Promotions

MANILA, Philippines — Sakaling hindi matuloy ang rematch kay Floyd Mayweather, tatlong pangalan ang nakalinya sa posibleng makaharap ni reigning World Boxing Association (WBA) super welterweight champion Manny Pacquiao.

Tinukoy ni MP Promotions chief Sean Gibbons sina Danny Garcia, Mikey Garcia at Shawn Porter sa mga nangungunang kandidato para sa susunod na pagtungtong ng Pinoy champion sa ibabaw ng ring.

“Danny Garcia, Mikey Garcia, there’s other guys out there to fight. Shawn Porter,” ani Gibbons sa pagbisita nito sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA)  Forum sa Amelie Hotel-Manila kahapon.

Matagal nang nasa radar ng Pacquiao camp ang reigning World Boxing Council silver welterweight titlist na si Danny Garcia na galing sa matagumpay na panalo laban kay Adrian Granados noong Abril.

Isinama rin sa listahan si Mikey Garcia sa kabila ng pagkatalo nito kay reigning International Boxing Fe­deration (IBF) champion Errol Spence via unanimous decision noong Marso.

Sa kabilang banda, dating sparring partner ni Pacquiao si Porter na nakatakda namang harapin si Spence sa Setyembre sa Staples Center sa Los Angeles, California.

“Let’s say if Shawn Porter somehow came out winning, he can get into the mix. I’m not against fighting Shawn Porter,” dagdag ni Gibbons.

Malabo na ang rematch kay Keith Thurman na tinalo ni Pacquiao noong nakaraang buwan sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Nakatutok pa rin ang Team Pacquiao sa posibilidad na muling makaharap si undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr. Ngunit nakasalalay pa rin ito sa kamay ni Floyd kung nais nitong magbalik-aksiyon para sa isang rematch kay Manny.  

Show comments