Ifugao boxer mapapalaban sa Thai pug

Sina Ifugao bantamweight prospect Carl Jammes Martin (kanan) at Thai challenger Yuttichai Wannawong, nakatakdang magharap ngayon sa non-title bout sa main event ng Sanman Promotions sa TV5 Studios sa Novaliches, Quezon City.

MANILA, Philippines — Sasabak sa kanyang ikalawang televised bout si ifugao prospect Carl Jammes Martin ngayong tanghali sa TV5 Studios, Novaliches, Quezon City.

Makakalaban ng 20-anyos na si Martin si Yuttichai Wannawong ng Thailand sa isang 10-round non-title bout na main event ng Sanman Promotions.

Tinaguriang ‘Wonder Boy’ ng Ifugao, tangan ni Martin ang perfect 12-0 record, 11 dito ay natapos via knockout.

February 16 sa SM Sydome nang huling lumaban si Martin kung saan pinatulog niya sa 3rd round ang isa pang Thai na si Petchorhae Kokietgym na nagsilbi naman na Manila ring debut ng Ifugao boxer.

“Marami po ako nakita na mali sa laban na yun at gusto ko na maitama rito sa darating ko na laban,” ani Martin.

Nakalasap man ng walong talo si Wannawong sa kanyang 17–fight pro career, hindi pa rin matatawaran ang lakas ng Bangkok-born boxer na naka-iskor ng walong knockouts sa siyam na panalo.

Magbabalik-aksyon din sa nasabing card si former world lightflyweight champion Randy Petalcorin kaharap si Worawatchai Boonjan ng Thailand.

Kasama rin ang da­lawa pang unbeaten flyweight prospects na sina Dave Apolinario at Jayson Mama na makakasagupa ang dalawang tigasin na challengers.

Magsisimula ang mga laban alas-12 ng tanghali at mapapanood ang buong card ng live sa ESPN5 at Youtube live streaming.

Show comments