Solong liderato misyon ng Blaze Spikers sa Tornadoes

Haharapin ng Blaze Spi­kers ang two-time Grand Prix champion Foton sa alas-6 ng gabi.
faceboook

MANILA, Philippines — Ikatlong sunod na panalo kalakip ang solong pamumuno ang pupuntiryahin ng nagdedepensang Petron sa pagpapatuloy ngayong araw ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix na darayo sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.

Haharapin ng Blaze Spi­kers ang two-time Grand Prix champion Foton sa alas-6 ng gabi.

Sosyo sa liderato ang Petron at F2 Logistics na may magkatulad na 2-0 imakuladang karta habang nasa ikatlo ang Foton na may 1-0 baraha.

Maningning ang Lady Blazers dahil sa solidong laro ng tropa sa pangu­nguna nina American super imports Stephanie Niemer at Katherine Bell na tunay na naka-agapay na sa sistema ng Petron.

Sa kanilang 25-16, 25-23, 25-15 demolisyon sa Generika-Ayala noong Huwebes, inilabas nina Niemer at Bell ang kanilang tunay na laro.

Nagbaon si Niemer ng 24 puntos galing sa 19 attacks, tatlong aces at dalawang blocks habang nagdagdag naman si Bell ng sariling halimaw na 21 puntos na produksiyon tampok ang 18 spikes.

Sa kabila ng maganda ang inilalaro ng kanyang reinforcements, naniniwala si Petron head coach Shaq Delos Santos na may ila­labas pang bangis sina Niemer at Bell.

Nakatakda rin ang gitgitan ng Cignal at Sta. Lucia Realty sa alas-2 at ang bakbakan ng mga wala pang panalong PLDT at Generika-Ayala sa alas-4.

Show comments