Puso at determinasyon susi ng Lady Chiefs
Sumandal ang Lady Chiefs sa husay ni Finals MVP Regine Arocha na isa sa mga pangunahing nag-aangat sa tropa sa oras ng pangangailangan.
Puso at determinasyon susi ng Lady Chiefs
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - February 14, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Ginamitan ng Arellano University ng puso, karanasan at matinding determinasyon para maiselyo ang three-peat sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament.

Sumandal ang Lady Chiefs sa husay ni Finals MVP Regine Arocha na isa sa mga pangunahing nag-aangat sa tropa sa oras ng pangangailangan.

“Minotivate lang namin yung sarili namin. Amin ito, ibinigay sa amin ito kaya kailangan na kunin namin. Kapag nakakalamang na kami, talagang gina-grab na namin, ayaw na namin makabangon pa yung kalaban,” ani Arocha.

Hindi rin matatawaran ang husay ni Princess Bello na siyang nag-step up sa tuwing nawawala ang laro ng ilang key players. Malaki ang kontribusyon ni Bello na may double-digit output sa kanilang huling dala­wang laro para tulu­ngan ang opensa ng Lady Chiefs.

Maaga ring nagising si Season MVP Necole Ebuen na nagtala lamang ng pitong puntos sa Game 1 subalit nakabawi sa Game 2 (18 points) at Game 3 (11 points).

“Talagang lumaban lang kami. Nagtuluy-tuloy lang kami sa ginawa namin lalo na nung napipigilan na namin yung top scorer nila. Sobrang sarap at sobrang saya nitong panalo namin dahil talagang pinaghirapan namin para makuha ito,” ani Ebuen.

Halos mahubaran na ng korona ang Lady Chiefs nang malugmok ito sa 0-1 pagkakabaon sa best-of-three championship series matapos lumasap ng 25-21, 17-25, 21-25, 20-25 kabiguan sa Game 1 laban sa University of Perpetual Help System Dalta.

Ngunit hindi agad nawalan ng pag-asa ang Arellano nang kubrahin nito ang 23-25, 25-9, 25-18, 22-25, 15-12 pahirapan panalo sa Game 2 para maipuwersa ang rubber match.

Hindi rin maganda ang naging simula ng Lady Chiefs sa Game 3 makaraang mabaon ito sa 22-25 sa first set.

Agad na nagising ang Arellano para kunin ang tatlong mga sumunod na sets (25-15, 25-18, 25-18) upang tuluyang pigilan ang Perpetual Help tungo sa inaasam na ikatlong sunod na korona.

ARELLANO UNIVERSITY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with