Win No. 8 puntirya ng Lady Chiefs

Namamayagpag sa unahan ng standings ang Arellano matapos makali­kom ng pitong sunod na pa­nalo.
www.facebook.com/ArellanoSports

MANILA, Philippines — Target ng reigning champion Arellano Univer­sity ang ikawalong sunod na panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta upang makalapit sa inaasam na sweep sa NCAA Season 94 women volleyball tournament sa The Arena sa San Juan Ci­ty.

Lalarga ang bakbakan ng Lady Chiefs at Lady Al­tas ngayong alas-2 ng ha­pon, habang masisila­yan din ang pukpukan ng Mapua University at Colegio de San Juan de Letran sa alas-12 ng tanghali.

Namamayagpag sa unahan ng standings ang Arellano matapos makali­kom ng pitong sunod na pa­nalo.

Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Lady Chiefs para mawalis ang eliminasyon.

Naibulsa ng Lady Chiefs ang unang silya sa Final Four matapos pasukuin ang Emilio Aguinaldo College sa pamamagitan ng 25-19, 25-11, 25-8 desisyon noong Lunes.

Nanguna sa naturang panalo si MVP contender Regine Arocha na nagtala ng siyam na attacks, apat na aces, isang block at 11 digs habang nagrehistro si playmaker Rhea Ramirez ng 20 excellent sets.

Bukod kay Arocha, kukuha ng lakas ang Arellano kina opposite hitter Nicole Ebuen at wing spiker Princess Bello.

Ngunit masusubukan ang tikas ng Lady Chiefs da­hil ilalabas ng Lady Al­tas ang lahat ng alas nito upang palakasin ang tsansa sa Final Four.  

Show comments