Petron paborito laban sa F2 Logistics

Nakalapit din ang Petron sa inaasam na sweep sa kumperensiya.

MANILA, Philippines — Inaabangan na ang muling pagtutuos ng Petron at F2 Logistics sa best-of-three finals matapos igupo ang kanilang semis rivals sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Muntinlupa Sports Center.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang Blaze Spi­kers nang matikas nitong patalsikin ang Cignal sa bisa ng 25-21, 25-20, 25-16 demolisyon para mapanatili ang imakuladang rekord.

Nakalapit din ang Petron sa inaasam na sweep sa kumperensiya.

Bumatak ng husto sa naturang panalo si Bernadeth Pons na nagsumite ng 15 hits habang may tig-siyam sina Mika Reyes at  Aiza Maizo-Pontillas para  pamunuan ang atake ng tropa.

Sa kabilang banda, dumaan muna sa butas ng karayom ang Cargo  Movers bago kubrahin ang 21-25, 25-15, 25-20, 19-25, 15-5 panalo sa Generika-Ayala sa hiwalay na semis game.

Ito ang ikalimang pag­haharap ng Petron at F2 Logistics sa finals.

At malaki ang bentahe ng Blaze Spikers dahil tinalo nito ang Cargo Movers sa eliminasyon.

Subalit alam ni Petron coach Shaq Delos Santos na ibang usapan na pagdating sa finals.

“They’re on a roll. We have to do our homework and prepare for them because it’s really hard to stop a squad that is reaching its peak. The finals will be anybody’s ballgame,” ani Delos Santos.

Desidido naman ang Cargo Movers na dungisan ang rekord ng Blaze Spi­kers.

Show comments