Junior Blazers kakasa sa Red Robins sa NCAA Finals

Lalarga ang Game 1 ng best-of-three championship series ng Junior Blazers at Red Robins sa Nobyembre 6 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Naisaayos ng College of Saint Benilde-La Salle Greenhills at Mapua ang paghaharap sa finals matapos payukuin ang kani-kanilang karibal sa do-or-die semis ng NCAA Season 94 juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Inilampaso ng Junior Blazers ang Jose Rizal University sa pamamagitan ng 97-71 desisyon samantalang nanaig ang Red Robins sa San Beda, 75-67 sa hiwalay na semis game.

Nasandalan ng La Salle Greenhills sina Inand Fornilos at Joel Cagulangan para buhatin ang kanilang tropa sa finals.

Nagpasabog si Fornilos ng double-double na 22 points at 11 rebounds habang nagsumite ang reigning Finals MVP na si Cagulangan ng 19 markers, 12 assists at anim na boards.

Bigo ang Jose Rizal na maulit ang kanilang 81-78 panalo sa semis opener noong nakaraang linggo.

Sa kabilang banda, bumandera para sa Mapua sina Paolo Hernandez at Jonnel Policarpio na parehong nagtala ng career-high output.

Lalarga ang Game 1 ng best-of-three championship series ng Junior Blazers at Red Robins sa Nobyembre 6 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.   (CCo)

Show comments