3-peat sa Enderun

NAASCU Women’s Cagefest

MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod na pagkakataon inangkin ng Enderun Colleges ang korona sa women’s basketball ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) makaraang igupo ang Rizal Technological University, 77-60 sa  RTU gym sa Mandaluyong.

Kumuha ng lakas ang Enderun kina Princess Abigail Manzanares, Mary Grace Calang at Kate Marcos nang pagbidahan nila ang opensa ng Lady Titans para walisin ang Lady Thunder sa kanilang best-of-three titular showdown.

Tumapos si Manzanares ng 19 puntos, bukod pa ang siyam na rebounds at anim na assists habang nagposte naman sina Calang at Marcos ng tig-14 puntos.

Nauna nang tinalo ng tropa ni coach Haydee Ong ang Lady Thunder sa Game 1 sa iskor na 75-57.

Tinablahan ng Lady Titans ang record na three-peat ng Centro Escolar University na nagreyna sa naturang women’s cagefest simula noong 2013-2015.

Bunga ng panalo ng Lady Titans, napabilang rin si Ong sa elite list ng NAASCU coaches na may tatlong kampeonato.

Bumandera naman sa Lady Thunder si Jeremiah Yonzon na tumapos ng 15 puntos tampok ang tatlong triples.

Show comments