MANILA, Philippines — Tapos na ang ispekulasyon matapos ihayag ni eight-division world champion Manny Pacquiao na si dating four-division world champion American Adrien Broner ang sunod na makakasagupa nito na gaganapin sa Enero.
Mismong si Pacquiao ang nag-anunsiyo ng bagong balita ngunit wala pang eksaktong petsa at lugar kung saan ito idaraos.
Tinitingnan ni Pacman ang Enero 12 o 19 na posibleng ganapin sa Las Vegas, Nevada.
“Broner, Adrien Broner,” ani Pacquiao nang tanungin ito sa kanyang susunod na kalaban.
Gumugulong na ang negosasyon at sinabi ni Pacquiao na 90 porsiyento na ito.
“It is almost final but it is not yet there. Mga 90 percent na,” anang People’s Champion.
Ipagtatanggol ni Pacquiao ang kanyang WBA welterweight belt na napanalunan nito matapos itarak ang seventh-round technical knockout win kay Lucas Matthysse noong Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Naitanong din ang rematch kay undefeated American Floyd Mayweather Jr. ngunit tikom ang bibig nito.
Nais ni Manny na isentro muna ang atensiyon sa kanyang laban sa Enero.
“I still have a fight in January. Basta laban lang tayo. Floyd Mayweather is coming back, handa lang tayo so we’ll discuss it after the fight in January,” ani Pacquiao.
Sakaling matuloy ang Pacquiao-Mayweather, target ng Pinoy champ na ganapin ito sa Cinco de Mayo (May 5) o sa Hulyo.
“Focus muna ako sa fight ko sa January Kung matuloy man ‘yan (Pacquioa-Mayweather), gusto ko sa Cinco De Mayo or sa July,” ani Pacquiao.
Nauna nang isiniwalat ni Mayweather noong Setyembre na magbabalik ito sa ring para harapin si Pacquiao sa isang rematch.
Pero gusto ni Mayweather na dumaan muna sa isang tune-up bout sa Japan bago makasagupa si Pacquiao.