Hotshots tangka ang twice-to-beat

Sasagupain ng Hotshots ang Meralco Bolts ngayong alas-7 ng gabi matapos ang pakikipagtipan ng Elasto Painters sa sibak nang Columbian Dyip sa alas-4:30 ng hapon sa 2018 PBA Governor's Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Jun Mendoza/File

Laro Ngayon(Ynares Center, Antipolo City)

4:30 p.m. Columbian vs Rain or Shine

7 p.m. Meralco vs Magnolia

MANILA, Philippines — Ang opisyal na pag-angkin sa tiket sa Top Four ang gagawin ng Magnolia, habang magpapalakas ng kanilang tsansa ang Rain or Shine sa quarterfinal round.

Sasagupain ng Hotshots ang Meralco Bolts ngayong alas-7 ng gabi matapos ang pakikipagtipan ng Elasto Painters sa sibak nang Columbian Dyip sa alas-4:30 ng hapon sa 2018 PBA Governor's Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.

Tangan ng Magnolia ang solong liderato sa kanilang 7-1 record kasunod ang nagdedepensang Barangay Ginebra (7-2), Blackwater (6-2), Alaska (6-2), Phoenix (6-3), TNT Katropa (4-4), NLEX (4-5), San Miguel (3-4), Rain or Shine (2-4), Meralco (2-6), NorthPort (2-7) at Columbian (0-9).

Ang No. 1, 2, 3 at 4 teams sa quarterfinals ang magkakaroon ng 'twice-to-beat' advantage laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod.

Kasalukuyang sumasakay sa five-game winning streak ang Hotshots, kasama ang 83-73 panalo laban sa Aces, bago labanan ang Bolts.

“Hahabulin namin ang puwedeng habulin,” sabi ni coach Chito Victolero sa Magnolia na haharapin ang TNT Katropa at Ginebra sa kanilang huling dalawang laro sa eliminasyon. “Preparasyon na rin namin 'yon for the playoffs.”

Sa unang laro, target naman ng Elasto Painters ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa sa Dyip.

Show comments