Zamar iniligtas ang Blackwater

Pinagtulungan nina Kenneth Bono at Jose Caram ng Meralco si Roi Sumang ng Blackwater sa aksyong ito sa PBA.
(Joey Mendoza)

Tinakasan ang Meralco

MANILA, Philippines — Bumangon ang Blackwater mula sa una nilang kabiguan para sumosyo sa liderato.

Isinalpak ni Paul  Zamar ang game-winning three-point shot para kumpletuhin ang come-from-behind win ng Elite laban sa Meralco Bolts, 94-91 sa 2018  PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Humugot si Zamar ng 10 sa kanyang 13 points sa fourth quarter para ibigay sa Blackwater ang 5-1 record katabla ang nagdedepensang Barangay Ginebra at Magnolia sa itaas ng team standings.

Ito naman ang ikaapat na sunod na kamalasan ng Meralco, nakakolekta kay two-time PBA Best Import Allen Durham ng 32 points, tampok ang 14-of-16 free throws at 21 rebounds.

“Galing kami sa talo last game namin, so kailangan naming mag-bounce back ngayong game,” sabi ni forward Mac Belo, nagdagdag ng 15 points at 5 boards para sa Elite. “Sana magtuluy-tuloy.”

Mula sa 62-61 abante sa pagtatapos ng third period ay itinala ng Meralco ang 10-point lead, 74-64 mula sa ikalawang tres ni Baser Amer sa 9:13 minuto ng fourth quarter bilang bahagi ng kanilang 12-3 atake.

Nagtuwang naman sina Zamar, Belo at import Henry Walker, tumapos na may 24 markers, para ibigay sa Elite ang 91-88 bentahe sa huling 56.9 segundo.

Ang split ni Durham ang nagtabla sa Bolts sa 91-91 sa nalalabing 18.5  segundo kung saan parehong wala nang timeout ang dalawang koponan.

Tinanggap ni Zamar ang bola mula kay John Pinto at isinalpak ang game-winning triple sa hu­ling 7.9 segundo.

 Blackwatet 94 - Walker 24, Belo 14, Zamar 13, Sumang 12, Maliksi 10, Jose 8, Sena 5, Pinto 4, Digregorio 2, Al-Hussaini 2, Javier 0. Meralco 91 - Durham 32, Amer 14, Bono 10, Newsome 8, Caram 7, Lanete 5, Hodge 4, Salva 4, Tolomia 3, Jamito 2, Hugnatan 2, Atkins 0, Canaleta 0.

Quarterscores: 18-14; 40-37; 61-62; 94-91.  

Show comments