Lady Eagles sinampolan ang Pocari
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas ang Ateneo de Manila University matapos gulatin ang three-time champion Pocari-Air Force, 25-23, 17-25, 25-20, 30-28 para kubrahin ang kanilang unang panalo sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kahapon sa Imus Sports Complex sa Imus, Cavite.
Ito ang unang panalo ni Oliver Almadro bilang head coach ng Ateneo.
Si Almadro ang humalili kay Thai mentor Tai Bundit.
Binanderahan ni opposite hitter Kat Tolentino ang atake ng Lady Eagles matapos itong maglatag ng all-around game tangan ang 19 puntos mula sa 13 attacks, apat na blocks at dalawang aces.
Nagbigay din ng solidong suporta sina middle blocker Maddie Madayag, outside hitter Kim Gequillana at veteran Bea De Leon na siyang umiskor ng game-winning quick hit para buhatin ang Lady Eagles sa pambuenamanong panalo.
Kumana si De Leon ng 12 hits samantalang may siyam si Gequillana at walo naman si Madayag. (CCo)
- Latest