1 gold, 2 silver sa muay thai team

Binanderahan ni Islay Erika Bomogao ang kampanya ng Pilipinas nang masungkit nito ang nag-iisang ginto mula sa girls’ 42 kgs. 16-17 years category.

MANILA, Philippines — Sumipa ang junior muay team ng isang ginto, dalawang pilak at apat na tansong medalya sa 2018 IFMA Youth World Cham­pionships na ginanap sa National Stadium sa Bangkok, Thailand.

Binanderahan ni Islay Erika Bomogao ang kampanya ng Pilipinas nang masungkit nito ang nag-iisang ginto mula sa girls’ 42 kgs. 16-17 years category.

Pinataob ni Bomogao sa semifinals si Berflin E­ftelya Guder ng Turkey bago iginupo si Nisara Kamkot ng Thailand sa finals.

Nagkasya naman sa pilak na medalya sina Jeriel Gabe Co (boys’ 32 kgs. 10-11 years) at Ashley Jazmine Gavina (girls’ 42 kgs. 12-13 years) matapos yumuko sa kani-kanilang gold-medal matches.

Galing naman ang tanso kina 2015 Royal World Cup champion Ghenyan Berdon (boys’ 45 kgs. 16-17 years), Kristian Narca (boys’ 48 kgs. 16-17 years), Prince Ian Berdon (boys’ 42 kgs. 14-15 years) at Zoren Ardales (boys’ 45 kgs. 14-15 years).

Tangan ang kabuuang pitong medalya, nagtapos ang Pilipinas sa ika-12 puwesto sa torneong nilahukan ng 86 bansa.

Nanguna ang host Thailand na may 30 ginto, 13 pilak at 21 tanso kasunod ang Russia (26-19-14) at Amerika (8-2-2).

Itinanghal na Female Rising Star si Gavina habang Best Muay Boran sina Narca at Ghenyan.

Show comments