8 ginto na PH Team; korona sa girls cagefest napanatili

Asean School Games

MANILA, Philippines — Nakakuha pa ng tatlong gintong medalya ang Team Philippines sa ika-apat na araw ng kompetisyon para iangat sa kabuuang walong ginto ang naibulsa na sa 2018 ASEAN School Games na ginaganap sa Mini-Stadium sa Bukit Jalil, Kuala Lumpur, Malaysia.

Umani ng ginto si Eliza Cuyom sa girls 100-m hurdles habang ang 2018 Youth Olympic-bound na si Jann Mari Nayre ay nagwagi sa boys table tennis singles event at napanatili naman ng national girls basketball team ang titulo para sa magandang kampanya ng Filipino team sa 10th edisyon ng kumpetisyon.

Ang 17-anyos na si Cuyom ay nag-oras ng 14.45 segundo upang angkinin ang ginto sa 100-m hurdles, pumangalawa lamang ang Indonesian na si Liza Putri Ramandha (14.76) at ikatlo si Halimatul Saadia Binti Mohammed Raja ng host Malaysia (15.52).

Hindi rin nagpahuli si Nayre, ang kauna-unahang Pinoy table tennis paddler na nag-qualify sa 2018 Youth Olympic Games sa Buenos Aires, Argentina sa susunod na buwan matapos magwagi kay Josh Chua Shao Han ng Indonesia, 3-1 sa boys singles finals na idinaos sa SJK Kong Hoe Hall sa Klang.

Samantala, sa girls basketball event sa Gem Mall sa Cyberjaya, tinambakan ng national team ang Singapore, 80-42 para sa ika-apat na sunod panalo at angkinin ang ginto sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Dahil sa pagratsada ng mga batang Pinoy athletes, umangat sa kabuuang walong ginto, siyam na silvers at 14 bronzes ang nahakot ng tropa para sa pang-anim na puwesto sa 10-nation kumpetisyon.

Sa iba pang events, ang Filipino swimmer na si Jerard Dominic Jacinto ay nakakuha ng silver sa boys 100-m backstroke (57.72-sec) habang bronze medal naman mula kay Samantha Therese Coronel sa girls 100-m backstroke sa Darul Eshan Aquatic Centre sa Shah Alam.

Show comments