PVL Collegiate Conference hahataw ngayon

Bubuksan ang kumperensiya tampok ang dukdukan ng Adamson University at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2 ng hapon.

MANILA, Philippines — Matinding paluan sa pagitan ng mahuhusay na collegiate stars ang agad na masisilayan sa pagbubukas ng Premier Volleyball League Collegiate Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Bubuksan ang kumperensiya tampok ang dukdukan ng Adamson University at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2 ng hapon.

Uumpisahan naman ng National University ang pagdepensa sa kanilang titulo sa pagharap nito sa NCAA Season 93 runner-up San Beda University sa alas-4.

Wala ang usual suspects na sina Jaja Santiago at Aiko Urdas na tapos na ang playing years sa NU.

Papalo para sa NU sina Princess Ann Robles, Faith Nisperos, Michaela Belen at Ivy Lacsina kasama sina libero Jennifer Nierva at setter Joyme Cagande.

“We want to expose our players to a high-level of competition to get them ready for the college season,” wika ni Lady Bulldogs mentor Babes Castillo.

Hangad ng Lady Bulldogs na masungkit ang ikaapat na sunod na kampeonato sa Collegiate Conference matapos makumpleto ang three-peat noong 2015, 2016 at 2017.

 Kasali rin sa edisyong ito ang University of the Philippines. (CCo)

Show comments