Pinoy cagers wagi sa Brazil, talo sa Mongolia

MANILA, Philippines — Kaagad nagpakita ng kanilang lakas ang Philippine men’s team matapos ungusan ang Brazil, 15-7, sa 2018 FIBA 3x3 World Cup kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Kapwa umiskor sina Stanley Pringle ng Globalport at Troy Rossrio at RR Po­goy ng tig-4 points para sa unang panalo ng Natio­nals sa Pool C.

Nagdagdag si 6-foot-8 Fil-German Christian Standhardinger ng 3 mar­kers bagama’t may nararamdaman pa ring sakit sa kanyang kaliwang tuhod.

Nagamit nang husto ni Pringle ang kanyang husay sa one-on-one para ipanalo ang Pilipinas, ang No. 19 ranked, laban sa No. 6 seed na Brazil sa 20-team tournament.

Ang 4 points ni Rosario ay kanyang iniskor sa shaded lane, habang nagsalpak naman si Pogoy ng dalawang malalayong two-pointers.

Ngunit sa kanilang ikala­wang laro ay nakalasap ang Team Philippines ng 17-21 kabiguan sa No. 11 Mongolia.

Binanderahan naman ni Marcellus Sarmento ang mga Brazilian mula sa kanyang 4 points kasunod ang 2 markers ni Luiz Soriani.

Itinayo ng Nationals ang 11-2 abante sa huling 5:40 minuto ng laro bago naka­lapit ang Brazil sa 6-11 ag­wat sa likod ni Sarmento sa huling 4:04 minuto.

Matapos ang itinawag na timeout ni caoch Ronnie Magsanoc ay nagsalpak si Rosario ng basket na si­nundan ng magkasunod na lay-up ni Pringle para mu­ling ilayo ang Philippine team sa 15-6 sa nalalabing 1:14 minuto ng labanan.

Samantala, nakatakdang labanan ng No. 20 Philippine women’s squad, may 0-2 baraha, ang No. 12 Spain ngayong alas-4:20 ng hapon kasunod ang pagsagupa sa No. 3 Hungary sa alas-7 ng gabi.

Nakalasap ang mga Pi­nay cagers ng 11-21 kabiguan sa Nethelands at 10-12 pagkatalo sa Germany sa pagsisimula ng torneo no­ong Biyernes.

Show comments