Petron Blaze Spikers inangkin ang PSL title

MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng Petron ang korona matapos talunin ang F2 Lo­­gistics, 25-19, 25-20, 22-25, 25-18, sa deciding Game Three ng kanilang Phi­­lippine Super Liga Grand Prix championship se­ries kagabi sa Araneta Co­liseum.

Bumandera sina American imports Kath Bell at Lindsay Stalzer para sa pagtitiklop ng Blaze Spikers sa kanilang best-of-three ti­tular showdown ng Cargo Mo­­vers sa 2-1.

“This is such a sweet victory. Finally, we’re back on top,” sabi ni coach Shaq Delos Santos.

Ito ang pangalawang Grand Prix title ng Petron at ikaapat sa kabuuan sa com­mercial league.

Humataw si Bell ng 25 kills at 3 blocks para sa kan­yang 28 points, habang nagtala si Stalzer ng 20 kills, 3 aces at 1 block para tumapos na may 24 points.

Muntik nang masayang ang 10-point lead ng Blaze Spikers sa fourth set matapos makalapit ang Cargo Mo­­vers sa 14-17 agwat.

Muli namang nagbida sina Bell at Stalzer, hinirang na Most Valuable Player, para tuluyan nang ibigay sa Petron ang panalo kontra sa F2 Logistics.

Nauna nang inangkin ng Blaze Spikers ang 2-0 bentahe matapos buman­de­ra sa first at second set.

Kumamada naman si Ara Galang sa third set para ibangon ang Cargo Movers mula sa six-point def­icit at ilista ang 25-22 panalo.

Nauwi sa rubber match ang serye matapos iselyo ng F2 Logistics ang 25-17, 25-22, 25-19 demolis­yon sa Game Two no­ong Hu­we­bes.

Show comments