Sibakan sa pagbabalik aksyon ng MPBL

Laro Ngayon(Bulacan  Capitol Gymnasium )

7 p.m. Quezon City vs Valenzuela

9 p.m. Bulacan vs Parañaque

MANILA, Philippines — Maghaharap ngayon ang Quezon City at Valenzuela Classicshabang magtututos naman ang Bulacan Kuyas at Parañaque sa do-or-die game  best-of-three quarterfinal series ng  2018 Maharlika Pilipinas Basketball League-Anta Rajah Cup sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.

Pinaghatian ng QC Capitals at Valenzuela Classics ang kanilang serye sa 1-1, gayundin ang tunggalian ng host Bulacan Kuyas at Parañaque Patriots  kaya’t asahan ang mainit na labanan ngayon.

Unang mapapalaban ang Capitals sa Classics sa alas-7 ng gabi na susundan ng engkuwentro ng Kuyas at Patriots sa alas-9.

Sinuman ang manalo sa No. 5 seed Capitals at No. 4 seed Classics ang siyang haharap sa top seed Batangas Athletics sa best-of-three semifinals showdown.

Lalabanan naman ng mananaig sa pagitan ng  No. 2 seed Kuyas at No. 7 Patriots ang haharap sa No. 3 seed Muntinlupa Cagers sa sarili nilang best-of-three semis series.

Nakuha ng Batangas ang unang semis slot matapos walisin ang quarterfinal match laban sa Bataan Defenders, 2-0 at tinapos din ng Muntinlupa ang pag-asa ng Navotas Clutch sa parehong  2-0 para umusad sa semis round.

Bumawi ang Quezon Capitals laban sa Valenzuela, 76-68 sa Game 2 noong Marso 24 para paabutin sa Game 3 ang kanilang serye.

Umiskor si Hesed Gabo ng 17 puntos at umani na­man ng double-double performance si Jay Collado sa kanyang 11 puntos at sampung rebounds para makaganti sa kanilang 89-96 kabiguan sa Classics  sa Game 1.

 “We really had to sacrifice. Kahit sa Holy Week wala kaming pahinga dahil pinaghandaan talaga namin ang deciding Game 3. It’s do-or-do-it  for us. This game is so valuable, hindi kami puwedeng magpatalo,” sabi ni Quezon City coach Vis Valencia.

Samantala, umabot din sa deciding Game 3 ang serye ng Parañaque at Bulacan makaraang tambakan ng Patriots ang Kuyas, 81-54 sa Game 2.

Nanguna sa Patriots si Juneric Baloria na umiskor ng career-high 26 points  noong Martes para ma­kabawi sa kanilang tinamong 73-83 pagkatalo  sa Bulacan sa Game 1. 

Show comments