Rockets lusot sa Pistons sa OT

Naagaw ni James Harden ng Rockets ang pasa ni Blake Griffin ng Pistons sa aksyong ito sa NBA.

HOUSTON — Kumamada si James Harden ng 21 points, kabilang dito ang 10 sa 12 points ng Rockets sa overtime para sa kanilang 100-96 paglusot laban sa Detroit Pistons.

Ito ang pang-pitong sunod na ratsada ng Houston.

Matapos magtala ng 2-of-16 fieldgoal shooting sa regulation kasama ang mintis na sana ay nagpanalo sa Rockets, nag-init si Harden sa overtime.

Ang basket at three-point play ni Harden ang nagbigay sa Houston ng 93-90 abante laban sa Detroit.

Nagdagdag pa siya ng tatlong free throws sa huling minuto ng laro kasunod ang tip-in ni P.J. Tucker para ilayo ang Rockets sa 98-90 sa natitirang 21 segundo.

Umiskor si Eric Gordon ng 22 points para sa Houston na hindi nakuha ang serbisyo ni Chris Paul na may sore left hamstring.

Sa New Orleans, kumolekta si Anthony Davis ng 33 points  habang nagdagdag si Rajon Rondo ng 24 points at 10 assists para akayin ang Pelicans sa 128-125 pagtakas laban sa Los Angeles.

Nagtala naman si Kentavious Caldwell-Pope ng career high na walong tres para sa kanyang 28 points sa panig ng Lakers.

Naimintis ni Lonzo Ball ang kanyang tres habang tumalbog ang driving floater ni Julius Randle sa huling dalawang posesyon ng Los Angeles.

Show comments