MANILA, Philippines — Hindi kasama si Doug Kramer sa final play ni head coach Louie Alas.
Ngunit ipinakita ng 6-foot-5 na si Kramer ang kanyang pagiging beterano nang isalpak ang game-winning baby hook shot sa natitirang tatlong segundo para ilusot ang Phoenix laban sa TNT Katropa, 74-72, sa 2018 PBA Philippine Cup kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang bola ay nagmula kay Matthew Wright, ipinagdiwang ang kanyang ika-27 kaarawan at tumapos na may 16 points, 5 rebounds at 3 steals para sa 4-4 baraha ng Fuel Masters kagaya ng Tropang Texters.
“The pass to Doug wasn’t drawn up but I knew that they will double me when I have the ball,” sabi ni Matthew Wright. “I trust Doug with every single time with that shot, He came through today.”
Nauna nang itinayo ng TNT Katropa, nabigong maitala ang kanilang ikalawang sunod na panalo, ang 13-point lead, 37-24, mula sa dalawang free throws ni Ryan Reyes sa 2:55 minuto ng second period at hinawakan ang 72-69 kalamangan sa huling 1:43 minuto ng final canto.
Ngunit kumonekta si Wright ng isang three-point shot para itabla ang Phoenix sa 72-72 sa huling 44.1 segundo.
Ang mintis na jumper ni Jayson Castro sa posesyon ng Tropang Texters sa nalalabing 19.4 segundo ang hinablot ni rookie Jason Perkins para sa timeout ng Fuel Masters.
Ang resulta nito ay ang game winner ni Kramer.
Samantala, dinala naman si TNT Katropa power forward Troy Rosario sa Makati Medical Center matapos humampas ang kanyang baba sa sahig nang maaksidenteng masahod ni Perkins sa ilalim ng basket sa 11:36 ng fourth period.