Lady Red Spikers salo uli sa unahan

Nagkarambola sina Dianne Ventura at Christine Lim ng St. Benilde sa paghabol ng bola.  (Jun Mendoza)

MANILA, Philippines — Nakabangon ang San Beda College sa pagkakabaon sa fifth set para itakas ang 17-25, 25-15, 25-16, 27-29, 15-12 desisyon laban sa Colegio de San Juan de Letran tungo sa ikalimang sunod na panalo kahapon sa NCAA Season 93 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Nangibabaw sina Cesca Racraquin nang bumanat ito ng 17 puntos at Nieza Viray na humataw naman ng 14 markers para tulungan ang Lady Red Spikers na saluhan ang nagdedepensang Arellano University (5-0) sa unahan ng standings.

Nakatulong din si Satrianni Espiritu na may 12 puntos gayundin sina Trisha Paras at Jiezela Viray na may pinagsamang 21 puntos para sa San Beda.

Nagawang maitala ng Lady Knights ang 8-2 kalamangan sa deciding set subalit unti-unti itong tinap­yas ng Lady Red Spikers sa likod nina Racraquin at Nieza para maagaw ang bentahe, 13-12.

Isang krusyal na error ang nagawa ni Letran ace Charm Simborio na nagbi­gay sa San Beda ng match point tungo sa panalo.

Ito ang ikatlong kabiguan ng Lady Knights sa limang pagsalang.

Sa unang laro, sumandal ang College of Saint Benilde kina Rachelle Anne Austero at Ranya Musa upang pigilan ang Emilio Aguinaldo College, 25-17, 18-25, 21-25, 25-18, 15-7.

Pumalo si Austero ng 17 hits habang nagsumite si Musa ng 15 puntos para makabalik sa porma ang Lady Blazers tangan ang 3-2 baraha.

Sa men’s division, naita­rak ng Benilde ang 19-25, 20-25, 25-7, 25-14, 15-11 come-from-behind win laban sa Emilio Aguinaldo para sumulong sa 4-1 rekord.

Show comments