War is on!

Thirdy Ravena at Ben MBala

Ateneo-La Salle Game 1 ngayon

Laro ngayon (MOA Arena)

4pm DLSU vs ADMU

MANILA, Philippines — Kanino ang Game 1?

Mag-uunahan ang nagdedepensang De La Salle University at Ateneo de Manila University na makuha ang unang panalo sa paglarga ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament best-of-three championship series nga­yong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Magkukrus ang landas ng Green Archers at Blue Eagles sa alas-4.

Ito ang ikaanim na pag­haharap ng La Salle at Ateneo sa finals.

Hawak ng Blue Eagles ang 3-2 rekord sa kanilang championship showdown.

Nagwagi ang Ateneo noong 1988, 2002 at 2008 habang namayani naman ang La Salle noong 2001 at 2016.

Walang ibang nasa isip ang La Salle kundi ang mapanatili sa kanilang teritoryo ang kampeonato.

Kaya naman asahan ang matatalim na pana ng Green Archers na magiging armas nito upang pabagsakin ang Blue Eagles.

“We are focused because there’s no other motivation but to win the championship. We’re just focused on the game plan especially on defense,” ani La Salle mentor Aldin Ayo.

Sa season na ito, nagwagi ang Ateneo sa first round sa iskor na 76-75 ngunit nakaresbak ang La Salle nang kubrahin nito ang 79-76 panalo sa second round na siyang humarang sa outright finals entry ng Blue Eagles.

Hindi naging madali ang daang tinahak ng Green Archers bago makapasok sa finals.

Kinailangan nitong ma­lusutan ang Adamson University sa Final Four sa pamamagitan ng kontro­bersiyal na 82-75 desisyon noong nakaraang linggo.

Ngunit iba ang elimination at Final Four sa finals.

Nais nang kalimutan ng Green Archers ang mga nakalipas na laro nito upang maisentro ang kanilang atensiyon sa mas importanteng laban sa finals.

“There were lots of distractions in the first round. We tend to gamble a lot and we were very undisciplined when we were in the first round. But our players became different come the second round because they just surrendered to the system and overcame the distractions,” ani Ayo.

Sa kabilang banda, hangad ng Blue Eagles na madala ang magandang momento sa Final Four sa kanilang pagharap sa Green Archers.

Galing ang Ateneo sa 88-84 overtime win laban sa Far Eastern University sa rubber match ng kanilang semis series.

“The coaching staff has to set the tone and we have to come down from the cloud pretty quick, get our focus on the next game. We didn’t play this season just to win in the semis. We’re a better team,” ani Ateneo head coach Tab Baldwin.

Kukuha ng lakas ang Ateneo kina Thirdy Ra­vena, Matt Nieto, Isaac Go at Chiz Ikeh na siyang pangunahing sinasandalan ng tropa habang aariba ang La Salle sa pangunguna ni reigning MVP Ben Mbala kasama sina Ricci Rivero, Aljun Melecio, Abu Tratter at Kib Montalbo.

Show comments