Altas iiwas mapahiya sa balwarte vs Lions

Nawala  sa kamay ni Perpetual Help Altas point guard Kieth Pido (19) ang bola nang tapikin ni Allen Enriquez (13) ng Arellano Chiefs sa tagpong ito ng kanilang laro noong Martes sa NCAA men’s basketball.

Laro Ngayon(Perpetual Help Gym)

2pm Perpetual Help vs San Beda (Srs/Jrs)

MANILA, Philippines - Target ng University of Perpetual Help System Dalta na madugtungan ang kanilang magandang inila­laro sa pagharap sa nagdedepensang San Beda College sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament na darayo sa Perpetual Help Gym sa Las Piñas.

Magtutuos ang Altas  at Red Lions sa alas-4 habang nakatakda rin ang engkuwentro ng Junior Altas at Red Cubs sa alas-2.

Nakatali sa three-way tie sa No. 5 spot ang Perpetual Help kasama ang San Sebastian College-Recoletos at Emilio Aguinaldo College hawak ang pare-parehong 3-4 baraha.

Mataas ang moral ng Perpetual Help matapos iselyo ang 68-59 panalo laban sa last year’s runner-up Arellano University noong Martes upang magbalik ang kumpiyansa ng Las Piñas-based squad.

Malakas na puwersa ang nanggaling kay 6-foot-9 Nigerian Prince Eze na humataw ng halimaw na 23 puntos, 21 rebounds at limang blocks para pamunuan ang opensa at depensa ng Altas.

“Depensa talaga ang kailangan namin. Yun ang magdadala sa amin sa Final Four kaya kailangan namin ng solid defense e­very game para makakuha ng panalo,” wika ni Perpetual Help coach Jimwell Gican.

Subalit daraan sa butas ng karayom ang Altas dahil may bangis ding taglay ang Red Lions na pinapa­ngunahan ni Ca­meroonian Donald  Tankoua.

Nasa ikalawang puwesto naman ang San Beda bitbit ang 6-1 kartada sa ilalim ng nangungunang Lyceum of the Philippines na na 7-0 baraha.

Unti-unti nang nakakabalik sa porma ang 6-foot-6 center matapos magtamo ng ACL injury noong nakaraang taon. Nagsumite si Tankoua ng 11 puntos at 16 boards sa 66-55 panalo ng San Beda sa Mapua noong Biyernes.

Show comments