Pacquiao itataya ang titulo, career

Manny Pacquiao

BRISBANE, Australia--Na­ngako si Filipino world eight-division champiion Manny Pacquiao na magpa­pakitang-gilas sa pagtataya niya ng suot na WBO welterweight crown pati na ang kanyang kinabukasan bilang boxer laban kay undefea­ted hometown bet Jeff Horn ngayon sa Suncorp Stadium dito.

Aakyat ng ring ang 38-anyos na si Pacquiao bandang ala-1:30 ng hapon (alas-11:30 ng umaga sa Manila) sa harap ng inaasahang 55,000 fans.

Maglalaban sina Pacquiao at Horn sa isang open-air venue at ang weather forecast ay nasa seven degrees sa alas-7 ng umaga at mga 19 degrees sa pagtunog ng opening bell para sa world title fight.

Hangad ni Pacquiao ang kanyang unang knockout win matapos noong 2009.

 “This is it,” sabi ni Pacquiao sa bisperas ng kanyang laban, ang una niyang pag-akyat sa ring matapos hubaran ng WBO belt si American Jessie Vargas sa Las Vegas noong Nobyembre.

 “I will do my best to make you happy. I’m ex­­­cited,” pangako ng fighting senator, tatanggap ng $10 milyon (P500 milyon) sa pagharap niya sa 29-anyos na si Horn.

Magbubulsa naman si Horn, dating schoolteacher, ng $500,000.

 Kailangan ni Pacquiao ng isang knockout win para maibangon ang kanyang lumulubog na re­putasyon at muling makamit ang tiwala ng global networks na umiwas sa kanyang mga laban.

Sa kanyang huling walong laban ay tatlo ang naipatalo ni Pacquiao.

 Sakaling mapabagsak ni Pacquiao si Horn ay may posibilidad na maitak­da ang kanilang rematch ni Floyd Mayweather Jr., muling lalaban matapos magretiro noong 2015 para sagupain si UFC superstar Conor McGregor sa isang boxing match sa Agosto 26.

Alam ni Pacquiao ang kahalagahan ng isang knockout win niya kay Horn, may ring record na 16-0-1.

“I never make a prediction,” wika ni Pacquiao.

Ito ang unang pagkaka­taon sapul noong 2005 na ang la­ban ni Pacquiao ay isasaere nang libre sa publiko.

 

Show comments