Pacman ayaw labanan si Horn

MANILA, Philippines - Ayaw ni Manny Pacquiao na labanan ang isang dating school teacher mula sa Brisbane, Australia.

Ang dahilan nito ay ang patuloy na paghihintay ni Pacquiao sa mas malaking premyong iniaalok ng isang investment group sa United Arab Emirates.

“Hindi niya type labanan si (Jeff) Horn,” sabi kahapon ng isang reliable source mula sa Team Pacquiao. “Hinahantay pa rin niya yung offer sa Abu Dhabi na mas malaki ang purse.”

Nauna nang sinabi ni Pacquiao sa panayam ng Fox Sports na hindi niya kilala si Horn, ang unbeaten Australian na may 16-0-1 win-loss-draw ring record.

Sinasabing buhay pa ang alok ng UAE para kay Pacquiao.

Sakaling tuluyan nang mawala ang UAE offer ay saka lamang papayag ang 38-anyos na si Pacquiao na labanan ang 29-anyos na si Horn sa Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane.

Sinabi kamakailan ni Top Rank chief Bob Arum na hinihintay lamang niya ang pagpirma ni Pacquiao sa fight contract para ha­rapin si Horn.

“On the Australian side everything is done. Jeff Horn has signed the contract,” ani Arum noong Sabado.

Mula sa naunang $5 milyon ay dinoble ng Duco Events, ang promoter ni Horn, ang kanilang alok kay Pacquiao.

Nasilaw naman si Pacquiao sa ipinangakong $38 milyon ng isang investment group sa UAE para sagupain si Amir Khan sa Dubai.

Show comments