Centeno kumikikig pa; Amit sibak na

MANILA, Philippines - Umusad sa main draw si reigning champion Chez­ka Centeno sa prestihiyosong 2017 Amway eSpring International Women 9-Ball Championship na ginaganap sa Taipei Gymnasium sa New Taipei City, Taiwan.

Pumangalawa si Centeno sa Group A tangan ang 2-2 rekord.

Sa huling araw ng group stage, tinalo ni Centeno si Liu Shin-Mei ng Chinese-Taipei bago mu­ling yumuko kay Wu Hsiao-Wen ng host country.

Nauna nang nagwagi ang 17-anyos na Pinay cue master kay dating world champion Jasmin Ouschan ng Austria (7-3) habang natalo ito kay Kristina Tkach ng Russia (6-7).

Makakasama ni Centeno sa main draw sina Ouschan na may 3-1 at Wu na nagtala ng parehong 2-2 marka.

Makakasagupa ni Centeno sa first round ng knockout stage si Hsieh Yu-Wen ng Chinese-Taipei na kasalukuyang nilalaro habang sinusulat ang balitang ito.

Hindi naman pinalad si two-time world champion Rubilen Amit sa kanyang unang pagsalang sa knockout stage matapos yumuko kay Angeline Magdalena Ticoalu ng Indonesia, 4-7.

Nakahirit ng tiket sa main draw si Amit nang pumangalawa ito sa Group E bitbit ang 3-1 marka sa torneong may nakalaang tumataginting na $93,400  premyo tampok ang $34,000 para sa magkakampeon.

Pinataob ng 2009 at 2013 World Pool Ten-Ball titlist sina Pia Blaeser ng Germany (7-2), Woo-Jin Lee ng South Korea (7-0) at Hsieh Yu-Wen ng Chinese-Taipei (7-4) bago tumupi kay Han Yu ng China (6-7).

Show comments