MANILA, Philippines - Lalapit ang San Sebastian College sa inaasam na sweep sa pakikipagtipan nito sa Lyceum of the Philippines University ngayong araw sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Galing ang Lady Stags sa panalo laban sa Perpetual Help Lady Altas, 25-22, 25-13, 25-13, noong Enero 11 upang manatiling malinis ang kanilang rekord tangan ang 7-0 baraha.
At kung mananaig ang San Sebastian sa Lyceum sa kanilang paghaharap sa alas-12:30 ng tanghali ay kakailanganin na lamang nito ng isang panalo upang pormal na mawalis ang eliminasyon na magbibigay sa kanila ng awtomatikong silya sa finals kalakip ang ‘thrice-to-beat’ advantage.
Matapos ang Lyceum ay haharapin ng San Sebastian ang nagdedepensang St. Benilde sa Miyerkules.
Natalo naman ang Lady Pirates sa kamay ng Perpetual Help, 21-25, 27-29, 23-25, noong Enero 13 at sa Arellano University, 23-25, 23-25, 20-25, noong Huwebes.
Sa juniors, target ng Lyceum, may 6-0 baraha, na makumpleto ang sweep at ang awtomatikong tiket sa finals sa pagsagupa sa San Sebastian sa alas-3:30 ng hapon.
Sa men’s division, maghaharap ang Emilio Aguinaldo College at Letran sa alas-9:30 ng umaga, habang magtutuos ang San Sebastian at Lyceum sa alas-2.