Lim pasok sa 2nd round ng Australian Open

MANILA, Philippines – Engrandeng binuksan ni Pinoy netter Alberto Lim Jr. ang kampanya nito matapos pulbusin si Bang Shuo Yin ng Chinese-Taipei, 6-4 6-4, sa first round ng boys’ singles ng 2017 Australian Open juniors championship na ginaganap sa Melbourne Park.

Hataw ang 16th-seed na si Lim ng kabuuang 69 puntos kung saan bumira ito ng apat na aces sa bakba­kang umabot lamang ng 75 minuto.

Naisaayos ni Lim ang pa­kikipagtuos sa second round kay Maxence Broville ng France na nagtala ng 7-5, 6-4 panalo laban kay Thomas Bosacic ng Australia sa opening round.

Makakapares ni Lim sa doubles si Alexandre Rotsaert ng Amerika laban kina fourth picks Yu Hsiou Hsu ng Chinese-Taipei at Zhao Liingxi ng China.

Bigo naman sina Fil-Ame­rican Treat Huey at Be­la­rusian Max Mirnyi nang lu­masap ng kabiguan sa se­cond round ng men’s doubles.

Inilabas ng 10th seed na sina Huey at Mirnyi ang ka­nilang buong lakas su­balit kapos pa rin ito upang magtamo ng 6-7 (10), 6-7 (5) desisyon laban kina un­seeded Australian pair Sam Groth at Chris Guccione.

Tumagal ang laro ng isang oras at 54 minuto kung saan nagpakawala ang tambalan nina Groth at Guccione ng 17 umaati­kabong aces na siyang na­ging malakas na armas nito upang pataubin sina Huey at Mirnyi.

Nakalikom ng kabu­uang 97 puntos ang Austra­lian tandem laban kina Huey at Mirnyi.

Mayroon ring 87 percent accuracy rate sina Groth at Guccione sa first serve at 54 percent sa second serve.

Nakakuha lamang ng anim na aces sina Huey at Mirnyi kasabay pa ang 10 unforced errors kabilang ang anim na double faults.

Babawi si Huey sa mixed doubles katuwang si Andreja Klepac ng Slove­nia.

Lalarga sina Huey at Klepac laban kina Michaella Krajicek ng Netherlands at Raven Klaasen ng South Africa sa first round.

Show comments